KALIBO, Aklan—-Nilahukan ng ilang mga business establishments, tumandok, turista at mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ang sariling bersyon ng selebrasyon ng Ati-Atihan Festival sa isla ng Boracay.
Hindi nagpaawat sa pag-indak at “pagsadsad” sa front beach ang ilang grupo na kanya-kanyang dala ng mga drummers kung saan, sinabayan ito ng mga turista na kasalukuyang nagbabakasyon sa isla.
Namataan din ang kilalang Holywood Filipino–American comedian na si Jo Koy o Joseph Glenn Herbert sa totoong buhay na nakisaya at game na nakipag-selfie sa ibang merrymakers.
Una rito, isang float parade ang ginanap sa sikat na baybayin ng Boracay at sinundan ng isang misa sa Our Lady of the Most Holy Rosary Parish sa Barangay Balabag.
Noong 1974, ang komunidad ng isla ng Boracay ay nag-organisa ng replica ng world famous festival at naging taunang tradisyon na ito sa tanyag na isla.