-- Advertisements --

Kailangan pa rin sumailalim sa periodic medical exams ng mga holders ng driver’s license na mayroong lima o 10 taon na validity, ayon kay Land Transportation Office chief Assistant Secretary Edgar Galvante.

Paraan na rin aniya ito upang sa gayon ay matiyak na fit to drive pa rin ang mga motorista makalipas ang ilang taon nang makuha nila ang kanilang driver’s license.

Kung ang hawak na lisensya ng isang motorista ay valid sa loob ng limang taon, ang best schedule aniya para sa medical exam ay tatlong taon matapos na makakuha ng lisensya.

Para naman sa 10 taon ang validity ng driver’s license, maariing gawin aniya ang medical exam sa 3rd, 5th, at 7th year.

Iginiit ni Galvante na ang pamamaraan na ito ay para na rin sa kaligtasan hindi lamang ng mga motorista kundi maging ang kanilang mga sakay na pasahero.

Nauna nang inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na lahat ng opisina ng LTO sa buong bansa ay magsisimula nang magbigay ng lisensya na valid sa loob ng 10 taon simula sa Disyembre.