Lubos na nagpapasalamat ang Hugpong ng Pagbabago (HNP) sa suporta ng taumbayan kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa posibleng pagtakbo nito sa pagka-pangulo sa halalan sa susunod na taon.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni HNP Secretary General Anthony del Rosario na kahit sinumang kakandidato ay matutuwa kapag makakuha ng mataas na rating sa mga survey.
Gayunman, hindi aniya nangangahulugan na dito lamang din ibabase ng alkalde ang kanyang magiging desisyon para sa 2022 polls.
Marami rin kasi aniyang mga factors na ikinukonsidera si Duterte-Carpio, at silang mga miyembro ng HNP ay hanggang sa paghimok lamang sapagkat ang presidential daughter pa rin ang magdedesisyon sa huli.
Base sa resulta ng survey na inilabas ng Pulse Asia kamakailan, si Duterte-Carpio ang siyang nangunguna sa mga posibleng kakandidato sa pagka-pangulo sa susunod na taon matapos na 28% ng 2,400 respondents ang nagsabi na ang alkalde ang iboboto nila sa pinakamataas na posisyon sa bansa.










