-- Advertisements --

Iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian ang kahalagahan nang mas mabilis na proseso ng pagbili ng mga aklat.

Ito ay matapos lumabas sa isang pag-aaral ang mga hamong kinakaharap sa pagbili ng textbooks para sa mga mag-aaral ng mga pampublikong paaralan.

Sa ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na pinamagatang Miseducation: the Failed System of Philippine Education, lumalabas na mula 2012, 27 na textbooks lamang ang nabili para sa Kindergarten hanggang Grade 10.

Lumabas din na mula 2018 hanggang 2022, P12.6 bilyon ang inilaan para sa mga textbook at ibang mga instructional materials, 35.3% (P4.5 bilyon) ang tinatawag na obligated at 7.5% (P952 milyon) naman ang naitalang na-disburse.

Lumabas din sa pag-aaral na mula noong ipatupad ang K to 12 curriculum, mga textbook lamang para sa Grade 5 at 6 ang nabili.

Batay sa konsultasyon sa National Book Development Board (NBDB) at mga private publishers, kabilang sa mga kinakaharap na hamon sa pagbili ng mga aklat ang kakulangan sa panahon para makabuo ng mga textbook, pati na rin ang tumatagal na proseso ng pag-review.

Una nang hinimok ni Gatchalian ang DepEd na mamili na lamang ng mga textbooks na gawa na tulad ng ginagawa ng mga pribadong paaralan. Aniya, dapat kasing pagsikapan ng pamahalaan na bigyan ng aklat ang bawat mag-aaral.