Target ngayon ng Department of Transportation na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa umano’y katiwalian na kinasasangkutan ng Hepe ng Land Transportation Office.
Ito ay ipinag-utos mismo ni Transportation Sec. Jaime Bautista laban kay Land Transportation Office chief Asec. Vigor Mendoza.
May kinalaman ito sa inihaing reklamo ng transportation group na Federated Land Transport Organizations of the Philippines sa ahensya.
Pagbubunyag ng transportation group na mayroon umanong nagaganap na katiwalian partikular na sa digitalization sa LTO.
Ayon kay Sec. Bautista, hiniling na niya kay Mendoza na magsumite ng paliwanag at komento hinggil sa nasabing alegasyon.
Ito ay upang magkaroon sila ng kaukulang disposisyon at rekomendasyon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Samantala, tiniyak naman ng kalihim na magiging patas ang kanilang imbestigasyon at kanila itong isasapubliko.