Ibinasura ng Supreme Court (SC) ang mosyon ni dating Sen. Bongbong Marcos na mag-inhibit sa kanyang electoral protest si Associate Justice Marvic Leonen.
Ayon sa SC, unanimous ang naging boto ng mga mahistrado ng Korte Suprema na siyang tumayayong Presidential Electoral Tribunal (PET) at may dumidinig ng poll protest ni Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.
Bukod sa mosyon ni Marcos, ibinasura na rin ng Korte Suprema ang kahalintulad na mosyon ng Office of the Solicitor General (OSG).
Nauna nang naghain ng mosyon si Marcos sa PET na humihiling na mag-inhibit si Leonen sa poll protest laban kay Robredo.
Katwiran noon ni Marcos, hindi dapat makisali sa lahat ng mga proceeding o pagdinig sa kanyang protesta si Leonen na may well-documented bias daw laban sa kanya at kanyang pamilya.
Samantala, inatasan din ng PET ang OSG at ang reporter ng Manila Times na si Jomar Canlas na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat i-cite in contempt.