-- Advertisements --
SC Justice Marvic Leonen

Muli na namang ibinasura ng Supreme Court (SC) ang isa pang hirit ng kontrobersiyal na abogadong si Atty. Larry Gadon na makakuha sana ng kopya ng Statement of Assets Liabilities and Network (SALN) ng isa sa mga mahistrado ng SC.

Ayon kay SC Spokesperson Brian Keith Hosaka, sa isinagawang en banc session ng mga mahistrado ng SC ngayong araw, unanimous ang naging boto ng mga mahistrado para ibasura ang hiling ng Office of the Solicitor General (OSG) at ni Atty. Gadon na mabigyan sila ng kopya ng SALN ni Associate Justice Marvic Leonen.

Sa desisyon hindi raw sumali si Justice Leonen sa botohan patungkol dito.

Una nang nagpadala ng sulat sa SC ang OSG at si Gadon na humihirit an isapubliko nito ang SALN ni Justice Leonen.

Una rito, nagpadala ng liham si Gadon kay SC en banc Clerk of Court Edgardo Aricheta noong September 9 para hilingin makakuha ng certified copies ng SALN ni Justice Leonen mula 1990 hanggang 2011.

Sinasabing gagamitin sana ang naturang mga impormasyon ngSALN ni Justice Leonen para sa paghahain ng mga ito ng quo warranto petition laban sa mahistrado.

Bago naupo bilang isa sa mga mahistrado ng SC noong November 2012, propesor sa UP College of Law si Leonen at dati ring chairman ng Government Peace Panel.

Una na ring lumabas sa mga pahayagan ang umano’y hindi pagsusumite ni Justice Leonen ng kanyang SALN noong mga taong 2003, 2008 at 2009.

“I would like to confirm that the Supreme Court in today’s En Banc session unanimously resolved to deny the requests of the Office of the Solicitor General and Atty. Lorenzo G. Gadon for copies of the SALN of and other information pertaining to SC Associate Justice Marvic Mario Victor F. Leonen for purposes of preparing a Quo Warranto petition. Justice Leonen took no part in the resolution,” ani Hosaka.

Kung maalala, ang kontrobersiyal na abogadong si Gadon ay isa sa mga nasa likod ng impeachment complaint laban sa noo’y Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Si Gadon ay nagsampa ng reklamo laban kay Sereno dahil din sa kwestiyonable nitong SALN.

Noong nakaraang buwan ay ibinasura rin ng SC ang hirit ni Gadon sa SC na ibalik sa dating pangalang Manila International Airport (MIA) ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).