Magpapatuloy pa ring nakabinbin ang pagdinig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa hirit ng mga transport group na taas-pasahe sa mga jeepney.
Ito ay sa kabila ng ilang buwan nang nagdaan mula nang humirit ang mga transport group na taasan ang pamasahe sa mga jeepney ng hanggang P5.00/
Paliwanag ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III,hinihintay pa ng board na mag-stabilize ang presyo ng produktong petrolyo bago tuluyang upuan ang naturang problema.
Ito kasi aniya ang pangunahing ikinukunsidera bago magdesisyon ang buong board o pagbigyan ang hirit na taas-pasahe.
Nananatili pa rin aniyang pabago-bago ang presyo ng mga produktong petrolyo, kung saan ilang linggong magkakasunod ang pagtaas habang biglaan din itong bababa.
Pero pangako ng opisyal, kapag nagtuloy-tuloy na ang pagbaba sa presyo ng langis sa bansa ay maaaring isagawa na nila ang pagdinig pagsapit ng buwan ng Disyembre.
Maalalang una nang inaprubahan ng LTFRB ang isang pisong provisional increase sa mga pampublikong jeep, matapos maitala ang sunod-sunod na pagtaas noon sa presyo ng produktong petrolyo.