-- Advertisements --
ducielle cardema

Nakatakda raw magsampa ng libel at disbarment case ang kampo ni Duterte Youth Rep. Ducielle Cardema laban sa isang abogado matapos ibasura ng Supreme Court (SC) ang mga petisyon na kumukuwestiyon sa ligalidad ng ruling o desisyon ng Commission on Elections (Comelec) pabor sa proclamation ni Cardema bilang partylist representative.

Sinabi ni Cardema na ang pagsasampa nila kaso at disbarment case laban kay Atty. Emil Maranon ay dahil daw sa ginawa nila noon na “media demolition job.”

Sa resolution ng Korte Suprema na may petsang Nobyembre 3, bigo raw na patunayan ng mga petitioners na pinangunahan ni Atty. Maranon na mayroong grave abuse of discretion sa panig ng Comelec kaya naibasura ang mga petisyon.

Dahil sa naturang desisyon, mananatili namang partylist representative si Cardema.

Una rito, dumulog noon ang mga militanteng youth groups sa SC para ipadeklarang void ang Comelec proclamation kay Cardema dahil kailangan daw munang resolbahin ng poll body ang “prejudicial questions.”

Kabilang sa mga petitioners sina Aunell Ross Angcos, Raainah Punzalan, Reeya Beatrice Magtalas, Raoul Danniel A. Manuell at Abigail Aleli Tan.

Noong Oktubre, sa pamamagitan ng botong 4-1 ay ipinagkaloob ng komisyon ang certificate of proclamation ng youth group at pinayagang umupo si Cardema sa lower house bilang representative sa naturang grupo.

Pormal namang nanumpa noong Oktubre 13 si Cardema kay House Speaker Lord Allan Velasco at naging vice chairman ng national defense panel.

 Agosto noong 2019 nang ibasura ng Comelec First Division ang nominasyon ni Ronald Cardema, asawa ni Ducielle dahil sa pagiging overaged.

Nakasaad sa Sec. 9 ng Republic Act No. 7941 o Party-List System Act na ang mga kandidato na may edad 30-anyos sa election day ay hindi kuwalipikado bilang party-list nominee ng youth sector.

Si Cardema ay 31-anyos noong maging nominee ng Duterte Youth partylist.