-- Advertisements --
Screenshot 2019 06 17 15 36 56

Agad hinarang ng mga magulang ng hazing victim na si Horacio “Atio” Castillo ang hirit ng isang akusado sa kaso na pansamantalang mapalaya sa piitan dahil sa pangambang mahawa sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa mga magulang ni Atio na si Horacio Sr. at Carmina, premature umano ang hirit ng suspek at tiwala silang handa ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na tugunan ang banta ng COVID-19 sa Manila City Jail kung saan nakaditine ang akusadong si Mhin Wei Chan.

Una rito, base sa urgent motion ni Chan, base na rin umano sa humanitarian grounds, hiniling nito sa Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 20 na pansamantala itong mapalaya sa detention facility dahil sa pangamba sa COVID-19.

Ipinunto nitong isa ang Manila City Jail sa mga pinaka-congested at overpopulated detention facilities sa bansa at mataas din ang kaso ng covid sa lungsod.

Ang akusado na nakapiit sa Manila City Jail ay isa sa mga itinuturong sangkot sa hazing na naging mitsa ng kamatayan ni Castillo noong September 2017.

Enero 3 ngayong taon nang ibasura rin ng MRTC ang petition for bail na inihain ng 10 akusado sa pagkamatay ng first year law student ng University of Sto Tomas (UST).

Kabilang dito sina, Chan, Axel Munro Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Ralph Trangia, Robin Ramos, Jose Miguel Salamat, Danielle Hans Matthew Rodrigo at Marcelino Bagtang, Jr.