Nilinaw ng Malacañang na biro lamang ang tinuran ni Pangulong Rodrigo Duterte na diretso sa impiyerno ang “Otso Diretso” o ang mga kandidato ng Liberal Party sa pagka-senador

Nabatid na ginawa ni Pangulong Duterte ang batikos sa mga manok ng oposisyon sa dinaluhan nitong campaign rally ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan sa Zamboanga City kahapon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, madalas namang nagpapatawa lamang si Pangulong Duterte sa kanyang mga talumpati.

Pero seryoso namananiya si Pangulong Duterte sa kanyang kritisismo laban kina dating Sec. Mar Roxas, Cel Diokno, dating Solicitor General Florin Hilbay, election lawyer Romy Macalintal, Magdalo member Gary Alejano at dating Rep. Erin Tañada.

Ayon kay Sec. Panelo, prangka lamang si Pangulong Duterte at nagpapahayag ng saloobin.

Una nang inihayag ni Pangulong Duterte na wala namang ginawa ang mga taga-oposisyon kundi bumatikos at pumuna.