Mas maigi umanong hintayin muna ang magiging statement ng secretary general ng National Union of People’s Lawyer (NUPL) na sinaksak sa Iloilo City bago ito imbestigahan.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, kung mayroon daw magandang dahilan o may kaugnayan sa adbokasiya ng human rights lawyer na si Angelo Karlo Guillen ang pag-atake sa kanya ay agad niyang papaimbestigahan.
Agad daw niyang aatasan ang AO 35 task force on extrajudicial killings na imbestigahan ang insidente kung kinakailangan.
Si Guillen ay isa sa mga counsels ng mga petisyon sa Supreme Court (SC) na kumukuwestiyon sa ligalidad ng kontrobersiyal na anti terror law (ATA).
Sinisilip ngayon kung may kaugnayan din sa trabaho nito ang pag-atake sa abogadong nagpapagaling na ngayon sa ospital.
Una nang kinondena ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang naturang pag-atake sa abogado.
Sa kabila nito, hinimok pa rin naman ng IBP ang mga abogado na gawin ang kanilang trabaho kahit humaharap ngayon ang bansa sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Siniguro naman ng IBP na tutulungan nila ang pamilya ng abogado, ang mga imbestigador at law enforcers para maibigay ang hustisya sa biktima.
Base sa datos, sa ilalim lamang ng Duterte administration ay mahigit 50 na ang mga namatay na abogado.
Kabilang na dito ang pagkamatay ng Retired Court of Appeals (CA) Justice Normandie Pizarro na natagpuan ang bangkay sa Capas, Tarlac.