Pinabulaanan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang ulat na nagsabing opisyal nito ang naaresto sa Taguig City kamakailan matapos manutok ng baril.

Sa isang panayam sinabi ni PACC chairman Dante Jimenez, hindi nagsisilbi ang naarestong si Mariano Jose Villafuerte III bilang director for intelligence investigation dahil wala naman daw ang naturang sangay sa mga dibisyon ng ahensya.

Hindi rin umano kilala ni Jimenez si Villafuerte bilang opisyal ng PACC.

Sa ngayon paiimbestigahan daw ng ahensya ang suspek na gumamit sa pangalan ng PACC.

Nitong Lunes nang maaresto si Villafuerte matapos ireklamo ng isang security guard ng panunutok ng baril.