Reading Time: 1 minute

Patuloy ang paalala ng Consul officials sa Hong Kong sa mga Pilipinong manggagawa at sibilyan na naiipit sa tensyon ng mga residente at pamahalaan.

Batay sa advisory ng Consulate General ng Pilipinas sa Hong Kong, naka-schedule ngayong araw ang muling pagsugod ng mga raliyista sa Mass Transit Railway (MTR) ng rehiyon.

Pinagdudugtong ng naturang transport system ang mga pangunahing distrito at isla sa Hong Kong.

PH Consul Hong Kong
IMAGE | PH Consulate General – Hong Kong advisory

Nitong Linggo nang pagbawalan din ng Konsulado ang mga Pinoy na magpunta sa Victoria Park at Central District matapos magmartsa ang higit 1.7-milyong raliyista sa gitna ng ulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na sa kabila ng patuloy na tensyon at mga aktibidad, ay pinag-aaralan pa rin ng kagawaran ang pagpapataw ng deployment ban at repatriation o pagpapauwi sa mga Pilipinong manggagawa sa Hong Kong.

Ito na ang ika-11 linggo ng kilos protesta ng mga sibilyan kasabay ng panawagang pagbibitiw ni Hong Kong leader Carrie Lim at tuluyang pagbawi sa “extradition bill.”

Bukod sa pagpunta sa ilang business district ng rehiyon, pinag-iiwas din ng Consulate General ang mga Pinoy sa pagsusuot ng kulay itim at puting damit na simbolo ng mga nagki-kilos protesta.