MAKATI SPUTNIKV CHRISTIAN BOMBO 4
IMAGE | A senior citizen in Makati City receiving his first shot of Russia’s Gamaleya-Sputnik V vaccine/Photo by Christian Yosores

MANILA – Binigyang diin ng isang vaccine expert na walang kakayahan ang mga COVID-19 vaccines na pahinain ang resistensya ng taong nabakunahan.

Paliwanag ni Dr. Mario Antonio Jiz II, miyembro ng Department of Science and Technology – Vaccine Expert Panel (DOST-VEP), hindi naman agarang nararamdaman ang bisa ng bakunang itinurok sa isang tao.

Pero hindi umano ibig sabihin nito na napapahina ng bakuna ang resistensya ng nabakunahan.

“Vaccination takes time for us to develop a protective immune response, so hindi agad-agad na kapag tinurukan tayo ng bakuna ay agad ang epekto,” ani Dr. Jiz.

Kaya mahalaga umano na tumanggap ng “booster shot” na ikalawang dose ang mga naturukan ng unang vaccine dose.

Ayon kay Dr. Jiz, aabutin pa ng dalawang linggo matapos matanggap ng indibidwal ang ikalawang dose bago makita ang bisa nito.

“We are looking at the data, mostly Phase III trials, and these data showed the second dose is very important.

“The data coming from them showing them na two weeks after the second dose, doon makikita yung pinakamagandang epekto ng bakuna.”

Batay sa datos ng Department of Health, aabot na sa 2.65-million doses ng COVID-19 vaccines ang naiturok sa mga Pilipino.

Mula rito, tinatayang 320,586 na ang “fully vaccinated” matapos makatanggap ng dalawang doses ng bakuna.