Hindi kumbinsido ang Department of Health (DOH) sa posibilidad na hindi galing sa tatlong Chinese nationals, na mga unang kaso ng COVID-19 sa bansa, ang strain ng coronavirus na kumalat dito sa Pilipinas.
Pahayag ito ng DOH matapos lumabas ang analysis ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa ginawa nitong genome sequence ng SARS-CoV-2 virus na galing dito sa Pilipinas.
Ang SARS-CoV-2 ay ang virus na nagdudulot ng COVID-19. Sa proseso ng gene sequencing naman inaalam ang genetic code o identity ng isang virus.
“Kailangan nating i-interpret with caution kasi iyong napag-aralan ng RITM, maliit na portion pa lang ng population, it was done in… hindi ganoong karaming places,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Batay sa analysis ng RITM, iba ang lineage o pinanggalingan ng virus na nakita sa Chinese nationals, kumpara sa lineage ng mga Pilipinong nag-positibo dito sa bansa.
Limang lineage ng virus ang nakita mula sa samples ng piling confirmed cases noong Enero, Marso at nitong Hunyo na pinag-aralan ng RITM.
Kabilang sa mga nadiskubre ay ang lineage A at B mula China. Nakita ito sa samples ng tatlong Chinese nationals na mga unang kaso ng COVID-19 sa bansa noong Enero.
“The first three SARS-CoV-2 strains detected in the Philippines were from different lineages, A and B. The sequence of the first case belonged to Lineage A and the sequences from the next two cases belonged to Lineage B. These first three cases were travelers from Wuhan, Hubei, China, implying separate introductions of different SARS-CoV-2 lineages in January,” ayon sa RITM report.
Ang lineage B.1 at B.1.1 naman na galing sa outbreak sa Italy at iba pang parte ng Europe ay nakita sa samples ng ilang positive cases mula Laguna at NCR noong Hunyo na walang travel history abroad.
Panghuli sa nadiskubre ay ang lineage B.6 na nakita sa samples ng unang dalawang kaso ng local transmission noong Marso. Ang nasabing lineage ng virus ay sinasabing galing sa outbreak ng sakit sa India, Southeast Asia, Amerika at Middle East. Mula sa mga kinuhanan ng samples, dalawa ang may travel history sa Japan at South Korea.
Ayon kay Vergeire, kailangang maging maingat sa interpretasyon ng datos lalo na’t sa mga piling lugar sa bansa pa lang naman sumentro ang pag-aaral.
‘”Kailangan i-further pa ang pag-aaral. We need more details before we can actually say na hindi iyong mga Chinese ang nag-spread ng infection at nagkaroon ng tayo ng ibang pinanggalingan ng infection natin,” ani Vergeire.