-- Advertisements --
image 186

Hindi bababa sa 200,000 public utility vehicles ang makikiisa sa pinaplanong tatlong araw na tigil-pasada simula sa mismong araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Manibela chairman Mar Valbuena, isasagawa ang tigil pasada sa 9 na rehiyon sa buong bansa kabila na sa Metro Manila.

Inaasahan na madadagdagan pa aniya ito ng hanggang sa 300,000 PUVs.

Paliwanag ng grupo na ang kanilang ilulunsad na tigil pasada ay bilang protesta dahil sa kawalan ng urgency mula sa pamahalaan para matugunan ang kanilang hinaing kaugnay sa PUV modernization program.

Ayon kasi kay Valbuena, binabalewala umano ng pamahalaan ang panawagan ng kanilang grupo matapos ang ilang pagtatangka ng mga ito na humihiling para talakayin ang kontrobersiyal na Omnibus Franchising guidelines.

Giit ni Valbuena na inuuna ng Department of Transportation ang malalaking kompaniya at mga lokal na pamahalaan para sa rationalize routes.

Ibinabala pa ng grupo na ang monopolyo ng mga ruta ay maaaring humantong sa pagtriple ng pamasahe.

Inamin din nito na hindi din madali para sa kanila na magdeklara ng tigil pasada dahil ultimo sila na mga operator at driver ay apektado ang kanilang kabuhayan.