Hindi bababa sa 1,400 Metropolitan Manila Development Authority enforcers ang ipapakalat sa Undas break.
Sinabi ni acting MMDA Chairman Romando Artes, na magpapatupad ang MMDA ng “no leave, no absent” policy para matiyak ang presensya ng mga enforcer sa lansangan.
Ang nasabing hakbang ay para sa nalalapit na All Souls’ and Saints’ Days sa Nobyembre 1 at 2.
Dahil idineklara ang Oktubre 30 bilang special non-working day para sa halalan ng barangay at Sangguniang Kabataan, magkakaroon ng three day weekend mula Oktubre 28 hanggang 30.
Upang mapahusay ang kaligtasan ng publiko at pamamahala sa trapiko, sinabi rin ni Artes na magkakaroon ng extension ng oras ng deployment hanggang hating-gabi.
Binigyang-diin din niya na magkakaroon ng mahigpit na inspeksyon sa mga bus terminal, kung saan kasama ang random drug testing na gagawin katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency.
Binigyang-diin ng MMDA chairman ang pangangailangang pagbutihin ang sistema ng pampublikong transportasyon upang mahusay na ma-accommodate ang pagdagsa ng mga pasahero tuwing holiday season.