Hindi bababa sa 12 transport group na nag-ooperate sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ang tiniyak sa mga commuter na hindi sila sasama sa tatlong araw na transport strike na magsisimula sa Hulyo 24.
Nakipagpulong ang transport groups kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairperson Teofilo Guadiz III na nauna nang nagbabala na posibleng matanggalan ng prangkisa ang mga sasama sa welga.
Ang mga pinuno ng iba’t ibang transport group ay nagpakita ng pakikiisa na tutulan ang tatlong araw na transport strike simula Hulyo 24 sa araw ng SONA Pang. Marcos
Kabilang sa mga grupong nangakong hindi sasama sa transport strike ay ang Pasang-Masda, Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) at Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP).
Sinabi ni Pasang-Masda chairman Obet Martin na nagpasya silang huwag sumali dahil makakaapekto ito sa milyun-milyong commuter sa bansa partikular na sa Metro Manila.
Ang transport strike mula Hulyo 24 hanggang 26 ay pangungunahan ng Manibela group, na pinamumunuan ni Mar Valbuena.