LA UNION – Ipinaliwanag ng Filipino surfer at gold medalist na si Roger Casugay na hindi dapat itong tawaging bayani o hero.
Ito ay matapos mag-trending sa social media at naging laman ng mga balita ang pagtulong nito sa katunggaling Indonesian surfer na si Arip Nurhidiyat sa kasagsagan ng kompetisyon sa South East Asian Games kasunod ang pagbuhos ng paghanga sa kanya ng mga kababayan.
Ayon kay Casugay, ginawa lamang nito ang ibinilin sa kanya ng komite at kung ano ang tama na tulongan ang dayuhan na makaahon patungo sa tabi ng dalampasigan matapos matangay ng mga naglalakihang-alon ang surfing board nito.
Sinabi pa ng Filipino surfer, nahihirapan kasi si Arip na makabalik sa tabi ng dagat kaya sinunod niya ang ipinag-utos sa kanya na tulongan ito.
Dagdag pa ni Casugay, bilang magaling na surfer na gaya ng kanyang katunggaling Indonesian ay tiyak na mahusay din itong lumanggoy.
Ang naturang pangyayari aniya ay normal lamang na kahit sinuman ang nasa katulad na sitwasyon ay tutulong din.
Samantala, sa kabila ng kababaang-loob sa sinabi ni Casugay na hindi dapat itong tawagin “hero” patuloy pa rin ang pagbuhos ng paghanga at pagbati sa kanya ng mga netizens.