Kinontra ng isang lider sa Kamara ang mungkahing huwag nang buwisan ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kahit pa isa itong revenue-generating agency.

Para kay House Committee on Ways and Means chairman Joey Salceda, masyadong malaki ang hinihingi na ito ng PCSO.

Noong Biyernes sa pagdinig ng House appropriations committee sa revenue collection ng ahensya, hiniling ni CSO general manager Royina Garma sa Kongreso na huwag nang buwisan ang kanilang koleksyon para mas lumaki pa ang pondo para sa implementasyon ng Universal Health Care (UHC) program, na mganganilangan ng P166.5 billion para sa susunod na taon.

Ayon kay Salceda, dapat na huwag na raw sanang nasain pa ng PCSO ang trabaho ng Department of Health (DOH), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at local government units (LGUs).

“Their current role is to provide the out-of-pocket that can’t be funded by PhilHealth, LGUs and DOH,” ani Salceda.

Ang mandato lamang aniya ng PCSO, ayon sa charter nito, ay magbigay ng “individual medical assistance” at hindi health delivery na itinatakda ng batas sa PhilHealth, DOH at LGUs.