Hiniling ng Commission on Elections (Comelec) sa Department of the Interior Local Government (DILG) na payagan ang isang linggong transition para sa mga bagong mahahalal na barangay at SK officials mula sa mga incumbents.
Bunsod nito, inaasahang hindi agad na makakaupo sa pwesto ang mga mananalong kandidato sa katatapos na Barangay at SK elections.
Paliwanag ni Comelec chairman George Garcia na kahit pa tanggalin ng DILG ang requirement para sa mga mananalong opisyal para magsumite ng Statements of Contribution and Expenditures (SOCE), dapat pa rin aniyang magkaroon ng maayos na turnover para maiwasan ang anumang problema.
Kahit pa sabihin aniya ng Korte Suprema na maaari ng mag-assume ang mga mananalo bukas, umaasa pa rin ang poll body na magkaroon ng isang linggong transition dahil sa monetary accuntabilities.
Ayon kay Garcia, sumang-ayon ang DILG sa request ng Comelec at magiisyu ng isang memorandum kaugnay sa naturang usapin.