-- Advertisements --
image 308

Inaasahan ni US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson na magkakaroon pa ng mga maritime activities kabilang ang mga naval exercises at joint sails, sa pagitan ng US at Ph.

Kasabay nito ay inilarawan niya ang partnership sa pagitan ng Manila at Washington bilang may mas maigting na koordinasyon sa kasalukuyan.

Bagama’t lubos na inaabangan ang “joint patrols” sa kalakhang bahagi ng West Ph Sea sa pagitan ng mga tropang Amerikano at Pilipinas, sinabi ni Carlson na ang mga kamakailang pagsasanay na isinagawa ng magkabilang panig sa karagatan ng Pilipinas, ay napatunayang “major exercises”

Aniya, inaasahan nito na marami pa siyang matutunghayan ng mga joint exercises ng magkabilang panig.

Binalikan ni Carlson ang taon na lumipas para sa Pilipinas at US, na aniya ay puno ng maraming mataas na antas na pagbisita na nagmumula sa magkabilang panig na nagbunga ng mas maraming kasunduan at pakikipagsosyo.

Giit ng opisyal na kasama sa ilang kasunduan ang posibleng kooperasyon sa nuclear energy.

Gayundin ang pakikipagtulungan sa mga larangan ng edukasyon, cyberspace, enerhiya, people-to-people, seguridad at kalakalan at pamumuhunan.