-- Advertisements --

Nakahanda na ang mahigit P900 million halaga ng relief goods para sa mga posibleng maapektuhan ng Tropical Storm Rai sa oras na makapasok na ito sa bansa, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ayon kay NDRRMC spokesperson Mark Timbal, noong Linggo pa lang ay tinalakay na nila ang mga paghahanda ng local disaster councils at local government units (LGUs) sa lugar na maaring maapektuhan nang pananalasa ng tropical cyclone.

Iginiit ni Timbal na ang halaga na mayroon silang nakahanda sa ngayon ay sapat para ma-sustain ang kanilang operations.

Naipadala na rin aniya nila ang mga family food packs sa iba’t ibang warehouses ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ilan pang mga lokasyon na itinakda ng LGUs.

Kapag kakailanganin naman aniya ng mga LGUs ng karagdagan pang gma supplies ay nakahanda ang NDRRMC para makapagbigay ng logistical support.

Sinabi rin ni Timbal na kanilang naalerto na ang mahigit 10,000 barangay na prone sa mga pagbaha at pagguho ng lupa.

Nakahanda na rin aniya ang deployment ng mga search and rescue teams para sa road clearing operations.