Mahigit sa P7 milyong halaga ng party drugs at shabu ang nasabat ng District Drug Enforcement Unit ng NPD sa Tomas Morato Avenue, Quezon City, kagabi mula sa tatlong drug suspek na naaresto.
Kabilang dito ang nasa 2,746 ecstasy tablets, 248 ecstasy capsules, 7.3 liters ng liquid ecstasy, at 100 gramo ng hinihinalang shabu.
Ayon sa report ng National Capital Region Police Office (NCRPO), bumili ang operatiba ng dalawang ecstasy tablets sa halagang P3,000.
Ang suspek na si Warren Calicdan ang nakipagkita sa operatiba at itinuro niya ang maglive-in partner na sina Hazel Lanugan at Rafael Tadoran na nagpadala sa kanya ng droga.
Sa bahay ni Lanugan nakuha ang iba pang iligal na droga.
Ayon kay NCRPO director, C/Supt. Guillermo Eleazar, supplier ng mga party drugs ang mga suspek partikular sa ilang bar sa Quezon City.
Aniya, may natanggap din silang impormasyon na nagpapatuloy pa ang illegal drug trade sa lugar kaya ikinasa ang operasyon.
Kaugnay nito, makikipag-ugnayan na raw sila sa Philippine Drug Enforcement Agency para i-validate ang nakuhang impormasyon na sa China na nanggagaling ang party drugs at pinapadaan sa courier service.
Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa laban sa mga suspek.