CEBU CITY – Umabot sa mahigit P7.5 million na halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga otoridad sa magkahiwalay na operasyon sa Cebu.
Sa naturang operasyon, 10 ang mga drug suspek ang naaresto.
Unang naaresto noong Sabado ng gabi ang isang 33-anyos na lalaking si Christopher William Lucañas matapos makumpiska ang mahigit isang kilong shabu na nagkakahalaga ng P7.1 million sa isinagawang operasyon sa Brgy. Pajo lungsod ng Lapu-lapu.
Pitong katao naman ang nahuli sa kaparehong araw matapos natunton ng mga operatiba ang isang drug den sa Barangay Basak San Nicolas sa Cebu at nakumpiska ang P81,600 na halaga ng shabu at iba’t ibang drug paraphernalia.
Kinilala ang mga naarestong sina Rodilo Cabillo, 41; Renan Gabrillo, 35; Ramon Gabrillo, 43; Nikki Rose Desina, 27; Gino Maxilla, 35; Dunhin Tabar, 32 at Janyve Rama, 36.
Samantala, dalawang drug suspek naman ang nahuli kabilang ang isang umano’y police asset sa isinagawang buy bust operation kahapon sa Barangay Kamputhaw nitong lungsod matapos makunan ng 52 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng aabot sa P353,600.
Nahuli sa operasyon sina Gizese Alabanza, 26 at Caroline Arda, 35.
Kinumpirma pa ng mga otoridad at itinuturing na isang “freelance” police asset si Arda sapagkat hindi lamang umano ito asset ng isang police unit ngunit magbibigay din ito ng mga impormasyon sa ilan pang police units.
Nahaharap ngayon ang mga nahuling drug suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.