-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Pumalo sa mahigit P6.2 million na halaga ng suspected shabu ang nakumpiska sa magkasunod na drug buy-bust operation sa Bacolod.

Alas-3:45 kaninang madaling araw, nakumpiska ng Bacolod Police Station 3 ang P5,062,500.00 halaga ng suspected drugs sa buy-bust operation sa Block 37, Lot 14, DC1, Brgy. Alijis.

Naaresto ang subject ng operasyon na isang high value target na kinilala na si Ryan Benemile alyas Tibo, 25, ng Purok Paglaum, Brgy. 30, Bacolod.

Kasama din nitong naaresto sina Chris John Esmedian, 29, ng Hacienda Najalin, Brgy. Nagasi, La Carlota; Alberto Pastera, 18, ng Purok Mapalaron, Brgy. 30, Bacolod; at Wegene Bagcal, 19-anyos, ng Cabuguason, Brgy. Mansilingan, BC.

Narekober sa operasyon ang isang medium heat sealed transparent plastic sachet at apat na malaking plastic sachet ng suspected shabu na may bigat na 405 grams.

Samantala, mahigit P1.2 million naman na halaga ng suspected shabu ang nakumpiska sa mag-ina na sina Regina Oro at Sam Aguirre sa Purok Bayanihan, Brgy. Banago kahapon ng hapon.

Ilang buwan rin ang ginawang monitoring ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng Bacolod City Police Office bago naisagawa ang operasyon laban sa mag-ina.