Aabot sa kabuang P5.4 million halaga ng hinihinalang iligal na droga ang nakumpiska sa dalawang drug suspek na naaresto sa ikinasang buy bust operation sa Mandaluyong City.

Kinilala ni Mandaluyong chief of Police, P/Col. Remigio Sedanto, ang mga suspek na sina Suraida Samad Mama, 43-anyos, at ang live-in partner nito na si Josel Mama, 46.

Ayon kay Sedanto, nahuli ang dalawang suspek sa buy bust operation sa Blk 40 Barangay Addition Hills kaninang alas-10:00 ng umaga base na rin sa impormasyon na nakuha mula sa isang suspek na nahuli nila sa nakalipas na buy bust operation.

Nabatid na dayo lang ang dalawa mula sa Taguig, at nag-o-operate lang sa Mandaluyong.

Narekober mula sa kanila ang isang malaking pakete at 10 maliit na pekete ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa isang kilo.

Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive and Dangerous Drugs Act of 2002 ang kakaharapin ng mag-partner.