Aabot sa 3,100 piraso ng ecstasy tablets ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa isang claimant sa Dau, Mabalacat Pampanga noong Marso 2021.
Sa report ng BOC, tinatayang aabot sa P5.270 million ang halaga ng nakumpiskang mahigit 3,000 piraso ng ecstasy tablet.
Nakumpiska ang mga ito sa tulungan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Enforcement and Security Services (ESS) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa ikinasa nilang controlled delivery operation, naaresto ang claimant na nagngangalan na Agatha Lavadia Pelen.
Si Pelen ay nagprisenta ng authorization letter para tanggapin ang parcel na naglalaman ng iligal na droga na naka-consign sa isang nagngangalang Zhylle Marquez Ancheta.
Nakadeklara ang parcel na ito na Orthopedic jelly shoes, flexible led mirror, duster buster, hand mixer, at birdhouse display, pero base sa beripikasyon ng mga awtoridad ay naglalaman ito ng kabuuang 3,100 ecstasy tablets na tinatayang nagkakahalaga ng P5.270 million.
Kaagad na ibinigay sa kustodiya ng PDEA ang naarestong claimant at kasalukuyan ay iniimbestigahan sa posibleng paglabag sa RA 9165 o Anti-illegal Drugs Act pati rin sa Section 1400 ng RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.










