-- Advertisements --

Aabot sa mahigit P4.24 million halaga ng tulong ang naipahatid ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilang libong pamilya na apektado ng Bagyong Bising noong nakaraang linggo.

Base sa Disaster Response Operations Monitoring and Information Center (DROMIC) report ng DSWD, hanggang alas-6:00 kagabi, Abril 29, kabuuang P4,246,358.20 halaga ng tulong ang naipahatid sa mga local government units sa Cagayan Valley, Bicol, Eastern Visayas at Caraga.

Ayon sa DROMIC, ang bilang ng mga apektadong pamilya ay umabot ng 99,914 o 410,895 katao sa 1,159 barangays mula sa apat na apektadong rehiyon.

Samantala, iniulat din ng DSWD na lahat ng 14,951 pamilya o 58,431 katao na lumikas sa mga evacuation centers ay nakabalik na sa kanilang mga tahanan.

Maging iyong 24,519 pamilya o 93,827 katao na piniling makitira muna sa kanilang mga kamag-anak o kaibigay ay nakabalik na sa kanilang sariling bahay.