-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Inihahanda na ang karampatang kasong kakaharapin ng dalawang personalidad matapos na makuhanan ng nasa P374,000 na halaga ng pinaniniwalaang iligal na droga sa buy-bust operation sa lungsod ng Tabaco.

Matagumpay na naaresto sa isinagawang operasyon sina Rogelio Palmani ng Brgy. Sto Cristo at Darlene Ellana ng Brgy. San Roque ng naturang lungsod.

Una rito, napapayag ang dalawa sa pakikipagtransaksyon sa kasapi ng joint-operatives na nagpakilalang buyer at nakipagkita sa Brgy. San Lorenzo.

Nang magkapalitan na ng pera at biniling iligal na droga, dito na hinuli ang dalawa.

Nakumpiska pa sa mga ito ang isang tape-sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu na may bigat na limang gramo at market value na P34, 000 habang narekober rin ang isang plastic bag na laman ang nasa 50 gramo ng kaparehong substance na umaabot sa P340, 000 ang halaga.

Sa ngayon, nananatili na ang mga ito sa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bicol na siyang nanguna sa naturang operasyon.

Sa kabilang dako, patay ang isang drug personality matapos na mauwi sa engkwentro ang isinagawang buy-bust operation sa Brgy. San Vicente, Bulan, Sorsogon.

Nagtangka umanong manlaban sa mga otoridad si Rodolfo Somalinog na kabilang sa Regional Top 10 Recalibrated Priority Database on Illegal Drugs ng Bicol kaya’t nauwi sa armadong engkwentro ang transaksyon.