Siniguro ngayon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maglalaan sila ng P206.50 billion na halaga ng cash aid para sa vulnerable sectors.
Ito ay nasa ilalim ng 2023 proposed national budget para maibsan ang epekto ng patuloy na tumataas na presyo ng mga bilihin.
Sinabi ng Malacañang na ang malaking bahagi ng pondo na P165.40 billion ay ilalaan para sa assistance programs sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Habang ang Department of Health (DoH) ay makakukuha naman ng P22.39 billion para sa Medical Assistance sa mga Indigent at Financially Incapacitated Patients.
Kabuuang P14.9 billion ang ilalaan naman sa Department of Labor and Employment para sa kanilang tulong Panghanap-buhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers, isang short-term emergency employment program.
Habang ang P2.5 billion ay para naman sa Department of Transportation fuel subsidy program.
Makakatanggap ang Department of Agriculture ng P1 billion para sa parehong provision ng fuel assistance para sa mga corn farmers at fisherfolk.
Ang iba pang budget allocations sa mga specific programs sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program ay kinabibilangan ng P115.6 billion para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program; P25.3 billion para sa Social Pension ng Indigent Senior Citizens; P19.9 billion para sa Protective Services sa mga Individuals and Families in Difficult Circumstances at P4.4 billion para sa Sustainable Livelihood Programs.
Samantala, ang P47.4 billion ay ilalaan naman para sa Department of Education Universal Access to Quality Tertiary Education program.
Ilalaan ang subsidiya sa higher at technical-vocational education habang nasa P100.2 billion naman ang mapupunta sa Philippine Health Insurance Corporation National Health Insurance Program.
Ang DoH Coronavirus disease 2019 (COVID-19) compensation package ay makatatanggap naman ng P1 billion para sa 65,293 healthcare workers at P19 billion naman ang para sa public health emergency benefits at allowances ng 526,727 health care workers.
Kabuuang P22.4 billion naman ang susuporta sa 1.6 million indigent at financially incapacitated Filipinos na hindi kayang maka-afford at maka-access sa quality medical care.
Una nang ipinag-utos ni Pangulong Marcos na ipagpatuloy ang pamamahagi ng emergency subsidies para makatulong sa mga Pinoy na labis na naapektuhan ng inflationary pressures.
Umaasa ang Pangulo na ang financial assistance na ipamamahagi sa mga benepisaryo ay maaaring makatulong sa pagtaas ng presyo ng basic goods at commodities.
Pinaalalahanan din ni Marcos ang mga opisyal ng pamahalaan at mga empleyado na nasa national at local government units na ma-recognize ang pangangailangan ng vulnerable sectors na labis na naapektuhan ng COVID-19 pandemic at ang inflation.
Ang headline inflation ng bansa ay bumilis sa 7.7 percent noong October 2022.
Mas mataas ito sa 6.9 percent noong September base sa data ng Philippine Statistics Authority (PSA).