CEBU CITY – Aabot sa mahigit P2-milyon ang halaga ng pinaniniwalaang shabu na nakumpiska ng mga tauhan ng Provincial Intelligence Branch (PIB) sa isinagawang buy bust operation sa Lawaan 2, lungsod ng Talisay, Cebu.

Kinilala ang nahuling subject na si Rogelio Amion, residente ng nasabing lugar; at isang Lyndon Lastimosa a.k.a. Dondon na tauhan umano ng self-confessed druglord ng Central Visayas na si Franz Salabones na mayroon nang warrant of arrest.

Bukod kina Amion at Lastimosa, nahuli rin ang tatlong iba pa.

Ayon kay PLt. Col. Marlu Conag, hepe ng Cebu PIB na positibong nabilhan ng kanilang poseur buyer ang subject, kaya hindi ito nakapalag at agad namang hinuli.

Habang ang isang subject na kinilalang si Rex Aldia ay nananatili ngayon sa pagamutan dahil sa nabagok ang ulo nito at nabalian pa ng paa nang magtangkang tumakas sa pamamagitan ng pagtalon mula sa bubong ng kanilang bahay na ginawa raw isang drug den.

Patuloy rin umano ang imbestigasyon ng PIB sa talamak na bentahan ng shabu sa lungsod bunsod na rin ng reports na kanilang natatanggap.

Sa kabuuan, nakuha mula sa operasyon ang tatlong malalaking pakete ng shabu na may bigat na 360 grams.

Nakatakda namang sampahan ng kasong paglabag sa iligal na droga ang mga nahuli.