-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Binunot at sinira ng mga otoridad ang aabot sa P146.6 million na halaga ng marijuana sa isinagawa nilang operasyon sa kabundukan ng Buscalan, Tinglayan, Kalinga.

Ayon kay P/Col. Job Russel Balaquit, direktor ng Kalinga-Philippine National Police, nagresulta ang operasyon sa pagsira nila sa 25,000 gramo na marijuana stalks at 717,900 piraso ng fully grown marijuana plants mula sa siyam na mga plantation sites na may lawak na tinatayang 39,800 square meters.

Aniya, tatlong araw tumagal ang operasyon ng mga tauhan ng mga pulis sa Kalinga at Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera na bahagi ng Oplan Green Pearl SHER-FAN.

Gayunman, wala silang nahuling cultivator.

Sa kabila nito, ipagpapatuloy aniya ng tropa ng pamahalaan na linisin ang mga kabundukan mula sa mga iligal na halaman.