-- Advertisements --
20210306 173713

Papalo sa halos P14 million ang halaga ng shabu na nasabat ng Bureau of Customs (BoC)-Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Sta. Maria, Bulacan.

Arestado rin ang claimant ng kontrabando sa controled delivery operation kahapon.

Kinilala ang consignee na si Jayson Quiloy, 38-anyos na kumuha mismo sa package na naglalaman ng 2,003 grams ng metamphetamine o shabu na nakasilid sa dalawang hotpot grills.

Ang kontrabando ay tinatayang nagkakahalaga ng P13,620,400.

Nakadeklara ang package na “Kitchen Appliances o steamboat grill” na dumating sa Port of NAIA at naipadala sa pamamagitan ng “Glus Sdn Bhd. (MBE Sri Gombak)” mula Malaysia.

Nadiskubre ang illegal drugs nang isailalim sa x-ray inspection at lumabas ang irregular image.

Agad nagsagawa ang mga personnel ng Customs sa NAIA ng 100 percent physical examination at nadiskubre ang mga kontrabando sa loob ng hotpot grill.

Agad naman itong isinalang sa PDEA Chemical Laboratory Analysis at nakumpirmang ito ay shabu.

Sa ngayon nasa kustodiya na ng PDEA ang iligal na droga at ang claimant ay subject ngayon sa custodial investigation dahil da paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (Republic Act 9165) at Republic Act 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Nasabat ang mga kontrabando sa tulong ng BoC Quick Response Team, Philippine Drug Enforcement Agency Region III at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG).

Noong Pebrero 15, naaresto rin ang claimant ng package na naglalaman ng ecstacy sa Manila Central Post Office during an operation.