-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Naharang ng mga pulis at mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Bicol sa magkahiwalay na operasyon ang dalawang van truck na may kargang seashell.

Ayon sa BFAR-Bicol spokesperson na si Nonie Enolva sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, unang nasabat ang isang truck na may kargang 44 na sako ng tahong at talaba sa Putiao checkpoint na nagkakahalaga ng P107,500.

Nasundan pa ito ng isa pang truck na may lulan na 179 na sako ng seashells na tinatayang P447,500.

Ang dalawang truck ay sinasabing pagmamay-ari ng isang residente ng Barangay Cambulaga Sorsogon na agad namang pumunta sa opisina ng BFAR upang asikasuhin ang mga kinakailangang dokumento.

Mahaharap ang mga violator sa paglabag sa Sec. 125 ng Republic Act 10654 o Failure to Comply with Standards and Trade-Related Measures at Section 128 ng Fisheries laws.

Kung maaalala sa ipinalabas na Shellfish Advisory No. 57 Series of 2021 ng BFAR, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta at pagkonsumo ng mga shellfish mula sa lalawigan dahil kontaminado ng red tide toxin ang buong Sorsogon bay.