Marami pa rin sa ating mga kababayan ang humahabol sa pag-uwe sa kani-kanilang mga probinsya ngayong mismong araw ng Pasko.
Batay kasi sa pinakahuling datos na naitala ng Philippine Coast Guard, lumalabas na pumalo na sa kabuuang 95,619 ang bilang ng mga pasaherong nagtungo sa iba’t-ibang mga pantalan sa bansa mula alas-dose ng hatinggabi hanggang alas-dose ng tanghali ngayong araw.
Mula sa naturang bilang, nasa kabuuang 52,036 ang naitalang mga outbound passenger, habang nasa 43,583 naman ay pawang mga inbound passenger.
Bilang bahagi pa rin ng OPLAN Biyaheng Ayos: Pasko 2023 ng PCG ay nagpakalat din ito ng mahigit 2,000 frontline personnel sa 15 PCG Districts na uminspeksyon naman sa kabuuang 365 na mga barko at 835 na mga motorbanca.
Samantala, magtatagal ang heightened alert status ng PCG hanggang sa Enero 3, 2024 mula nang ipatupad ito noong Disyembre 15, 2023 bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan ngayong holiday season.