-- Advertisements --

Mahigit 865,000 indibidwal o nasa mahigit 276,000 pamilya sa Quezon City na apektado nang ipinatupad na enhanced community quarantine ang nabigyan na ng financial aid.

Base sa datos mula sa treasurer’s office ng Quezon City, natukoy na 276,389 pamilya na ang nakatanggap ng ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development hanggang noong Abril 13.

Ito ay 35 percent ng estimated target na 800,000 family beneficiaries ng P2.48 billion budget na inilaan para sa lungsod.

Ginamit ng pamahalaang lungsod sa naturang listahan ang datos mula sa DSWD sa Social Amelioration Program, Pantawid Pamilyang Pilipino Program, at ilan sa mga waitlisted beneficiaries ng SAP na kabilang sa “low-income bracket at vulnerable sectors.”

Sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na “achievement” na para sa kanila na nakapamahagi ng maraming financial assistance sa loob ng isang linggo lalo pa at marami naman talaga ang recipients sa lungsod.