Mahigit 8 million na raw na Philippine Identification (PhilID) cards o ang national ID nationwide ang naipadala sa pamamagitan ng Philippine Postal Corporation.
Sa data ng Philippine Statistics Authority (PSA), kabuuang 8,176,454 ang bilang ng mga Philippine Identification (PhilID) cards ang naipadala na sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Siniguro naman ng Philippine Statistics Authority (PSA) na pabibilisin na nila ang kanilang operasyon para sa proseso ng Philippine Identification System (PhilSys).
Ito ay para maipadala ang mas marami pang mga ID sa may-ari nito.
Sinabi naman ni PSA Assistant Secretary Rosalinda Bautista na ang mga nai-deliver na mga ID ay nasa 24.2 percent na ng kanilang target ngayong taon na 33.8 million.
Ginagawa na rin daw ng PSA at ng Philippine Postal Corporation maging ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang kanilang makakaya para ma-accomodate ang milyong Pinoy na nakarehistro na sa PhilSys Step 1 at Step 2.
Ang BSP ay ang official printer ng PhilSys.Samantala, pinayuhan naman ni Bautista ang lahat ng PhilID holders na iwasan ang pamamahagi ng kanilang mga impormasyon online mula sa national ID.
Ang PhilID ay mayroon kasing kasamang letter na nagtataglay ng mga PhilSys Number.
Sa ngayon, nasa 50 million Filipinos na ang nakakumpleto sa Step 2 biometrics procedure o ang fingerprints, iris scan at photographs.
Ang pagkakaroon ng national ID sa lahat ng mga Pinoy at resident aliens ay pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 2018.
Layon ng Republic Act 11055 o ang PhilSys Act na ma-establish ng isang single national ID para sa lahat ng mga Pinoy at resident aliens.