-- Advertisements --
image 131

Asahan umanong marami pang mailalabas ang Philippine Statistics Authority (PSA) ngayong taon na national ID para sa mga Pinoy.

Kasunod na rin ito ng naging pahayag ng PSA na pumalo na sa mahigit 72 million Filipinos ang nakarehistro para sa national ID as of August 26.

Sa isang statement, sinabi ng PSA na kabuuang 72,348,546 Filipinos na ang nakakumpleto ng kanilang Philippine Identification System (PhilSys) Step 2 Registration.

Kinabibilangan ito ng pag-capture ng biometric information gaya ng fingerprints, iris at front-facing photographs.

Sinabi ng PSA na sa naturang bilang ay nasa 78.6 percent na ng 92 million registration ang naabot na target para sa 2022.

Layon naman ng state statistics bureau na maipamahagi na ang 30 million physical cards at 20 million digital IDs sa katapusan ng taon.

Ayon kay Fred Sollesta of the PhilSys Registry Office, ang digital ID ay mayroong kaparehong functionality at validity sa physical PhilID cards.

Kapag naipamahagi na ngayong taon, mae-enjoy na raw ng mga Pinoy ang mga benepisyo ng pagiging registered sa PhilSys habang hinihintay ang kanilang physical cards.