-- Advertisements --
image 240

Nasa mahigit 60 overseas Filipino workers pa raw ang kasalukuyang nasa death row sa iba’t ibang mga bansa.

Ito ang tugon ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa deliberasyon ng budget ng DFA nang natanong ang ahensya hinggil sa estado ng mga OFW na nasa death row.

Tugon ni Nueva Ecija Representative Joseph Gilbert Violago, sponsor ng panukalang budget ng DFA para sa 2023, sa 65 na OFW na nasa death row, 48 ang lalaki at 17 ang babae.

Kasama na dito si Mary Jane Veloso, na hinatulan sa Indonesia matapos mahulihan ng droga.

Pagbabahagi ni Violago, ikokonsulta ng DFA sa Ministry of Justice ng Indonesia ang hiling na executive clemency para kay Veloso.

Kung maalala, sa state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Indonesia, kinatawan siya ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, na kumausap sa counterpart nito na si Indonesian Foreign Minister Retno Marsudi kaugnay sa kaso ni Veloso.