Naipadala na kagabi ng pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mahigit 6,000 family food packs at tents sa Batangas.
Ito ay bilang karagdagang supply at tulong para sa mga kababayan nating nagsilikas dahil sa patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Taal.
Ayon sa DSWD, ang 5,000 family food packs ay ipinadala sa Batangas Sports Complex Grand Stand.
Nasa 300 tents kasama ang 200 family food packs ang inihatid sa bayan ng Laurel at 1,500 family food packs naman sa bayan ng Agoncillo.
Una nang personal na bumisita kahapon si DSWD Sec. Rolando Joselito Bautista sa ilang evacuation centers sa Laurel at Agoncillo upang makita ang kalagayan ng mga pamilyang lumikas sa kanilang tahanan.
Pinatitiyak nito na mabibigyan ng karampatang tulong ang mga kababayan nating nagsilikas lalo na ang kanilang pangangailangang habang sila ay nananatili sa mga evacuation centers gaya ng suplay ng pagkain at tubig, face masks, tents, sleeping mats at hygiene kits.
Siniguro ni Sec. Bautista na ang mga pangangailangang ito ay tutugunan sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya ng gobyerno.