CEBU CITY – Iniulat ng Department of Tourism sa Central Visayas (DOT-7) na hindi bababa sa 530 outbound international passengers ang na-stranded sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) kasunod ng insidente, Linggo ng gabi na kinasangkutan ng Korean Air flight KE631.
Inilipat na ang mga ito sa mga hotel kung saan ang kani-kanilang mga airline ang sumasagot sa mga gastos ng accomodation.
Sa ulat din ng DOT-7, apektado ng nasabing insidente ang nasa 112 foreign nationals, 32 balibayans, at 18 overseas Filipino workers (OFWs) na siyang mga lulan ng nasabing sasakyang panghimpapawid.
Matapos pang matanggap ang ulat kaugnay sa insidente, agad na ipinag-utos ni Tourism Secretary Cristina Garcia Frasco sa mga tauhan ng DOT-7 na nakatalaga sa MCIA na makipag-ugnayan sa mga otoridad sa paliparan at mag-alok ng agarang tulong sa mga stranded na biyahero.
Kaya naman nagkaroon ng koordinasyon ang kagawaran sa mga kinauukulang ahensya tulad ng MCIA, Department of Transportation (DOTr), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), at GMR- Megawide Cebu Airport Corporation (GMCAC).
Samantala, siniguro naman ng pamunuan ng MCIA na ginagawa nila ang kanilang makakaya upang alisin mula sa runway ang Korean Airline sa lalong mas madaling panahon.
Posible pa umanong magkaroon ng partial operations ang paliparan bukas, Oktubre 25, para maka-accommodate sa mga maliliit na aircrafts.