Nakatakdang kumuha ng pamahalaan ng mahigit 5,000 contact tracers sa Metro Manila sa loob ng tatlong buwan simula ngayong Mayo.

Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG), lumagda sila ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Department of Labor and Employment (DOLE) sa isang memorandum patungkol sa guidelines para sa hiring, training at deployment ng kabuuang 5,754 na bagong contact tracers sa loob ng tatlong buwan na mayroong minimum wage na P537 kada araw.

Sa ngayon, aabot na sa 13,304 ang nagsumite ng kanilang application para sa naturang posisyon at tanging 2,696 pa lang ang dumaan na sa assessment at pasok na sa trabaho.

Sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na ang deployment ng karagdagang mga contact tracers ay bahagi pa rin ng walang humpay na pagsusumikap ng pamahalaan para palakasin ang contact tracing program sa harap ng pandemya.

Sa ilalim ng memorandum circular na kanilang pinirmahan, sinabi ni Año na P280.714 million na gagamitin sa hiring ng mga contact tracers ay manggagaling sa DOLE sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers or TUPAD Program  (TUPAD) program nito.