Pinag-aaralan na raw ng Department of Justice (DOJ) kung sususpindehin na muna nila ang pasok ng mga empleyado ng kagawawan matapos magpositibo ang mahigit 40 kawani nito.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, ang mga nagpositibo sa virus ay agad nilang inatasang magpa-swab test at mag-quarantine.
Ang naturang mga empleyado ay nagpositibo sa rapid test kaya’t kailangan nilang dumaan sa mas reliable na test o ang confirmatory o swab test.
Sinasabing kabilang din sa mga nagpositibo sa rapid test ang apat na organic security guard, dalawang blue guard at isang maintenance personnel.
Pero tumanggi naman si Guevarra na kumpirmahin ang mga lumabas na report na isang undersecretary ng DOJ at driver nito ang positibo sa naturang virus.
Agad namang isinailalim sa disinfection ang buong compound ng DoJ nitong nakalipas na weekend.