Aabot pa sa 76,293 evacuee-families o katumbas ng 303,592 indibidwal ang nanatili pa rin sa 1,242 evacuation centers kasunod nang pananalasa ng Bagyong Odette, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bumaba naman ang bilang ng mga indibidwal na nananatili pa rin sa kanikanilang mga kaanak o kaibigan sa 243,288 o katumbas ng 70,042 families.
Ang figures na ito ay base na rin sa 6:00 a.m. report ng Disaster Response Operations Monitoring and Information Center ng DSWD ngayong Disyembre 24.
Lumalabas sa naturang report na ang bilang ng mga apektadong pamilya mula sa 5,652 barangay ay umakyat sa 927,369 pamilya o 3,599,109 indibidwal.
Samantala, ang bilang naman ng mga napinsalang bahay dahil sa pananalasa ng Bagyong Odette ay tumaas pa, na sa ngayon ay umaabot na sa 299,770.
Kabilang na rito ang 95,438 na totally damaged na mga bahay at 204,332 namang partially damaged.
Sa ngayon, aabot na sa mahigit P90.1 million ang humanitarian assistance na ipinaabot ng DSWD, local government units, at non-government organizations sa mga biktima ng bagyo.