LEGAZPI CITY – Nagpapatunay lamang umano ng epektibong kampanya ng pamahalaan laban sa insurhensya ang pagsuko ng nasa 306 na mga dating kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Masbate.

Isinagawa ang pagpresenta sa mga ito sa headquarters ng 2nd Infantry Batallion ng Philippine Army sa pamumuno ni LTC (Lieutenant Colonel) Napoleon Pabon Jr. kasabay ng NPA anniversary.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay 9th Division Public Affairs Office chief Major Ricky Aguilar, nangangahulugan lamang umano ito ng dumaraming bilang ng mga sawa na sa armadong pakikibaka at pagbabalik-loob sa pamahalaan.

Habang isinasailalim sa proseso para intervention ng Enhanced Local Integration Program (E-CLIP), mananatili muna ang mga ito sa halfway house sa Camp Bonny Serrano.

Nagpasalamat rin si Aguilar sa papel ng media sa pagpapaabot ng impormasyon sa mga kababayan ng mga benepisyong naghihintay sa rebel returnees, maging sa kooperasyon ng publiko.

Sa kabuuan, umabot na sa higit 700 rebelde na ang sumuko sa Bicol mula pa taong 2017 batay sa consolidated report ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG).

Kasabay na isinuko ng mga ito ang aabot sa 50 nhigh powered-firearms at iba’t ibang uri ng mga bala.