Mahigit sa 222,000 healthcare workers sa master list ng pamahalaan sa COVID-19 vaccination ang inaasahan na matuturukan ng bakuna sa susunod na dalawang linggo, ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Sa isang panayam, sinabi ni Nograles na target nilang matapos sa susunod na dalawang linggo na maturukan ng COVID-19 vaccines ang nasa 222,783 health workers sa buong bansa.
Sa ngayon, aabot na sa kabuuang 1.1 million doses ng COVID-19 vaccines ang dumating sa Pilipinas.
Sa naturang bilang, 600,000 doses ang Sinovac vaccines na donasyon ng Chinese government at 525,600 naman ang AstraZeneca vaccines mula sa World Health Organization-led COVAX facility.
Ngayong buwan, inaasahan na darating sa bansa ang 1 million pang Sinovac vaccine doses na binili naman ng national government.
Nauna nang sinabi ni vaccine czar Carlito Glavez Jr. na target ng pamahalaan na mabakunahan kontra COVID-19 ang lahat ng mga health workers sa bansa ngayong buwan ng Marso o Abril.