-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Kanya-kanyang showcase ng kanilang mga produkto ang mga mag-aaral na mula sa 17 na rehiyon sa bansa sa ginaganap na National Festival of Talents 2020.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Eliza Sarabia, guro at coach ng Department of Education (DepEd)-Region 7, sinabi niya na proyekto ng mga batang mag-aaral mula Grade 7 hanggang senior high school ang kanilang nai-display sa kanilang bazaar.

Mayroon ding hiwalay na project sa mga mag-aaral sa elementarya.

Ipinagmalaki nila ang kanilang produkto na gawa sa coconut shell na ginawang baso, plato, bowl, cellphone holder, maaring gawing pang-display sa bahay at iba pa.

Ito na aniya ang ginagamit nila sa mga paaralan, sa halip na mga plastic.

Samantala, inihayag ng Grade 7 student na lumahok na si Pearl Marie Sacarda na naisipan nilang pakinabangan ang mga balat ng mais.

Ang mga balat ng mais ay ginawa nilang Costume Festival at mayroon ding gown na gawa sa mga balat ng mais at iba pang indigenous materials.

Nais aniya nilang itampok ang kanilang mga produkto na gawa sa mga indigenous materials upang tularan ng marami at maiwasan na ang mga paggamit ng mga materyal na nakakasama sa kalikasan.