KORONADAL CITY – Nananatili ngayon sa municipal gym ang halos 200 pamilya na apektado ng malawakang baha sa bayan ng Norala, South Cotabato.
Ito ang kinumpirma ni MDRRMO Aiza Lim sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Lim, ang nasabing mga pamilya ay nagmula sa anim na mga barangay na apektado na kinabibilangan ng Barangay Lapuz, San Jose, Liberty, Matapol, Dumaguil at Simsiman na lumikas hanggang kaninang madaling araw dahil sa lampas beywang na tubig baha.
Sa katunayan, may mga pamilyang sinagip dahil sa lakas ng agos ng tubig-baha matapos na umapaw ang Banga river.
Ganoon din ang sitwasyon sa mga residente sa Barangay New Iloilo, Tantangan, South Cotabato kung saan may mga pamilya din na inilikas dahil sa baha na natulog sa municipal gym.
Abot hanggang leeg naman ang baha sa ilang purok sa Barangay New Iloilo kaya’t may mga ni-rescue din ang MDRRMO-Tantangan.
Sa ngayon nagpapatuloy ang assessment sa kabuuang pinsala na sinalanta ng baha.
Matatandaan na noong nakaraang buwan ay sinalanta din ng baha ang nabanggit na mga bayan kung saan isinailalim na ang mga ito sa state of calamity.